Patay matapos pagbabarilin ang isang lalaking nakasakay sa bisikleta na nakilalang si Mark Vincent Geralde, ng isang lalaking nakaaway niya matapos makagitgitan sa kalsada ng P. Casal, Quiapo Maynila, bandang 9:30 ng gabi, Hulyo 25.

Kita sa kuha ng CCTV na nagkaroon ng mainit na argumento ang bicycle driver at ang isang lalaki na noo’y nakasakay sa kanyang kotse. Lumabas ang driver at nagpalitan sila ng mga suntok.

Matapos ang ilang minuto, bumalik ang nasabing driver sa kanyang sasakyan, kumuha ng baril at walang habas na ipinutok ito sa mukha ng biktima. Tatlong putok pa ang muling pinakawalan ng suspek bago tumakbo pabalik sa kotse at umalis.

Samantala, isang sibilyan naman ang nadamay dahil sa ligaw na bala dulot ng nasabing pamamaril. Ang biktima ay nakilalang si Rosell Bondoc, 18 taong gulang at kritikal ngayon sa Mary Chiles General Hospital.

Kasalukuyang pinaghahanap na ng pulisya ang suspek na posibleng maharap sa mga kasong murder at frustrated homicide. Nakikipag-ugnayan na rin ang MPD Station 3 sa LTO upang maberipika ang pagkakakilanlan ng may-ari ng pulang Hyundai Eon na may plakang M03746.

Source:
GMA News Online

Loading...

Comments

comments